Programang YFC ng DA-4A, ipinakilala sa mga estudyante ng Cavite State University
Ipinakilala sa labing-pitong estudyante ng Cavite State University sa pamamagitan ng isang oryentasyon ang programang Young Farmers Challenge (YFC) ng #DACalabarzon Agribusiness and Marketing Assistance Division noong ika-8 ng Setyembre sa Indang,Cavite.
Inilahad sa mga kabataang kumukuha ng kursong agrikultura ang kabuoan ng programa kabilang ang tatlong kategorya na Start- Up sa Provincial Level at Up-scale at Intercollegiate naman sa Regional Level na maaari nilang salihan. Tinalakay din ang mga kinakailangan at kwalipikasyon sa pagsali at ang kaukulang premyo na maaaring matanggap ng mga mananalo.
Ang YFC ay programa ng Kagawaran para sa mga kabataang nagnanais magtayo ng negosyong pang-agrikultura na magbibigay suporta sa pamamagitan ng financial grant sa mga mananalo. Binigyang-diin ni Agricultural Programs Coordinating Officer, Ruben Perlas ang malaking parte ng mga Kabataan sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura. Aniya, ang kanilang pagtahak sa larangan ng agrikultura ay isang mahalagang hakbang na para rito. Hinikayat din nya ang mga estudyante na palawakin pa ito sa pamamagitan ng pagsubok na maging mga agri-preneurs.
Nagpahayag naman ng interes si Jay-Ron A. Bosito na isa sa mga dumalo. Aniya, handa syang ibahagi sa kapwa nya mag-aaral ang magandang oportunidad na YFC Program para sa kanila.
Para sa mga nais sumali, maaaring makita ang detalye at kinakailangang dokumento sa link https://tinyurl.com/YFC2025Requirements at magpasa ng aplikasyon hanggang ika-23 ng Setyembre 2025 sa amad4a.yfc@gmail.com.






All content is in the public domain unless otherwise stated.