Punla ng mga puno, sinimulang itanim ng DA-4A sa Rizal para sa pagdiriwang ng Sierra Madre Day

 

 

Aabot sa 400 punla ng cacao at rambutan ang sinimulang itanim sa pagsasagawa ng Tree Planting ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Program noong ika-17 ng Oktubre sa Antipolo City, Rizal.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng Save Sierra Madre Day na may layong isulong ang pangangalaga sa kalikasan, palakasin ang mga inisyatiba sa pagpapagaan ng epekto ng nagbabagong klima, at pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng kabundukan ng Sierra Madre na nagpoprotekta sa oras ng kalamidad.

Inaasahan na ang mga itinanim na puno ay maaaring karagdagan pagkakakitaan ng samahan ng San Jose Free Farmers Association, Inc. na sila ring mangangalaga sa mga ito.

Si Agnes Marigondon, pangulo ng samahan, ay ikinatuwa ang dagdag kabuhayang bigay na mga pananim. Buo ang kanilang panata sa pagpapalago nito at aniya ay sisiguraduhing makakapagpayabong pa ito sa kanilang produksyon at kita na makakaambag sa buong lalawigan.

Samantala, katuwang din sa aktibidad ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources – Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO), Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES), Rizal Agricultural Research and Experiment Station (RARES), Agricultural Program Coordinating Office (APCO) para sa Rizal, at lokal na pamalaan ng Antipolo City.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)