SINE AGRI 2025: Tagisan ng Paggawa ng Pelikulang Pang-Agrikultura, inilunsad ng DA-4A

 

 

Sampung pelikulang pang-agrikultura mula sa mga paaralan sa kolehiyo ang sumali sa isinagawang SINE AGRI 2025 ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) noong ika-19 ng Disyembre sa Lipa City, Batangas.

Ang SINE AGRI ang kauna-unahang tagisan o paligsahan ng paggawa ng pelikula sa DA na may layong ipakilala ang sektor ng agrikultura sa tulong ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan ng pelikula, hangad ng Kagawaran na mamulat sa publiko ang pangangailangan ng kabataan sa industriyang nagpapakain sa sambayanan.

Dito ay nagwagi bilang Champion at nag-uwi ng halagang P30,000 ang pelikulang “Ani’y Sisibol Muli” mula sa First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) Colleges. Sinundan naman ito ng “Sibol” na nanalo ng halagang P20,000 at “A Very Special Farm” na nagakamit ng P10,000 mula sa kaparehong paaralan. Ginawaran din ng People’s Choice Award at halagang P5,000 ang “Bintol ni Utoy” mula sa Batangas State University TNEU – ARASOF Nasugbu.

Si Kyla May Saceda, mag-aaral mula sa Calayan Educational Foundation Inc., ay ikinatuwa ang pagsali dahil sa karanasan nila na magkwento ng buhay ng mga magsasaka sa pelikula ay mas lalo niyang nakita ang halaga ng mga ito tulad ng kanyang lolo. Bonus din aniya ang consolation prize na P5,000 kahit hindi sila nanalo kaya naman nais nilang sumali ulit sa susunod na taon.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)