Strategic planning, investment programming workshop bilang pagpapalawig ng Urban Agri sa 2026, isinagawa ng DA-4A

 

 

Naglunsad ng kauna-unahang strategic planning at investment programming workshop ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (DA-NUPAP) para sa paghahanda sa pagbuo ng plano at budget proposal ng Urban Agriculture Industry ng rehiyon para sa taong 2026.

Ginanap ito noong ika-14 hanggang ika-15 ng Nobyembre sa Development Academy of the Philippines Convention Center, Tagaytay City, Cavite. Layon ng aktibidad na matukoy ang mga estratehiya, polisiya, programa, at interbensyon sa tulong ng mga komunidad at lokal na pamahalaan upang mapalago at mapanatili ang urban agri.

Ang mga mungkahi ay nakatuon sa edukasyon, teknolohiya, regulasyon, at pakikilahok ng komunidad. Isinagawa rin ang pagsusuri sa mga ito upang tiyakin na ang mga benepisyaryo at pondo ay naaayon.

Dumalo sa aktibidad sina Regional Executive Director Fidel Libao; OIC Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo; NUPAP Focal Person at OIC Field Operations Division Chief G. Felix Joselito Noceda. Kabilang din ang ilang mga kinatawan ng DA-4A Research and Experiment Stations, NUPAP Central Office, Provincial Agriculturists, at Agricultural Program Coordinating Offices.

Hinimok naman ni Laguna Provincial Agriculturist Marlon Tobias ang bawat LGU na magsagawa ng parehong inisyatibo upang mas mapalalim ang diskusyon sa urban agriculture sa kani-kanilang nasasakupan.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)