Nakatanggap ang tatlong asosasyon ng mga magsasaka sa Quezon ng P2,188,400 halaga ng mga interbensyon mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Corn Program noong ika-11 hanggang ika-13 ng Agosto.

Tiglilimang pump and engine set for shallow tube well (STW) na nagkakahalaga ng P1,185,000 ang ipinagkaloob sa San Andres Corn Farmers-Scientists’ Association, SACA Corn Farmers’ Association, at Malayang Aniban sa Ikauunlad ng Sakahan (MAIS) – Gumaca.

Bukod sa pump and engine set, nabigyan din ang bawat asosasyon ng iba pang mga interbensyon gaya ng hybrid yellow corn seeds, herbicides, fungicides, rodenticides, at chemical insecticides na nagkakahalaga ng P1,003,400.

“Labis po kaming nagpapasalamat sa DA. Malaking tulong sa amin na mga magsasaka itong mga gamit sa STW. May mapagkukunan na kami ng tubig, lalo ngayon na halos isang buwan nang walang ulan at makakapagtanim din kami kahit tag-araw,” ani Felipe C. Duaso, pangulo ng San Andres Corn Farmers-Scientists’ Association. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)

[Mga Larawan mula kay Bb. Jonadeth A. Royo ng DA-4A Corn Banner Program]