Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program ang mga katuwang mula sa Provincial and Local Government Units, ibang ahensya, at mga kawani ng DA-4A sa isinagawang Wet Season 2023 Climate Outlook Forum. 

Ito ay upang ibahagi ang ulat panahon para sa darating na tag-ulan at maipaalam ang positibo at negatibong epekto nito sa produksyon ng palay, mais, high value crops, at paghahayupan sa reihyon CALABARZON. 

Ayon sa DA-4A AMIA Program, makakaranas ang rehiyon ng below normal to near normal na lebel ng pag-ulan ngayong buwan ng Abril at near normal hanggang sa above normal naman ngayong darating na Mayo hanggang Setyembre. 

Sa kabuuan, ang katamtamang dami ng ulan ay makakatulong upang mapamulaklak ang palay at mais; maparami ang damo sa pastulan; at hudyat na rin upang masimulan ang pag-aaaro, pagdudurog ng lupa, at pagtatanim ng palay, mais, at high value crops. Maganda ring tiyempo ito upang pataasin ang porsyento ng mga napipisa at nabubuhay na mga sisiw. 

Ilan naman sa bantang dala ng darating na panahon ay ang pagkakaroon ng sakit, peste kagaya ng kuhol, at pagiging bansot ng mga pananim na palay at mais. Para naman sa paghahayupan, malaking banta ang presensya ng maliliit na snails sapagka’t kung makakasama ito sa mga batang damo na makakain ng mga hayop ay makapagdudulot ng kabag sa mga ito. 

Bukod pa rito, ibinahagi ng DA-4A AMIA Program na malaki rin ang magiging epekto nang inaasahang pito hanggang labingisang bagyong dadaan sa pagitan ng buwan ng Hunyo hanggang Setyembre. 

Patuloy na hinihikayat ng programa ang mga katuwang na PLGUs at mga opisina ng City o MAO na sumubaybay sa lagay ng panahon at klima at palawigin pa ang mga impormasyon mula sa Department of Science Technology- Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, upang magabayan ang mga magsasaka sa kanilang produksyon.