YFC Awardee ng DA-4A bida sa WOFEX 2025
Tampok ang CALABARZON sa Usapang Agribiz Investment Forum sa ginanap na World Food Expo (WOFEX) 2025, kung saan naging tagapagsalita ang Hiyas Urban Mushroom Farm founders na sina Jeck Iyas at Ma. Regina Patungan na isa sa mga Young Farmers Challenge Awardee ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at hinirang din Top 3 sa kategoryang YFC Upscale sa buong Pilipinas.
Dito nagbahagi ng inspirasyon ang Hiyas Urban Mushroom Farm ng kanilang kaalaman mula sa karanasan nila bilang kabataang agripreneurs, lalo na ang mga aral na natutunan nila sa pagnenegosyo kabilang ang kahalagahan ng dedikasyon, kahandaan sa mga suliranin, kagustuhan matuto, pagbalanse ng kita at oras, at pagpapairal ng social impact bilang isang social enterprise.
Binibigyang-diin din nito ang pasasalamat sa Young Farmers Challenge Program bilang malaking tulong sa kanilang paglalakbay, at ang halaga ng mga koneksyon at pakikipagkaibigan sa kapwa young agripreneurs.
Ibinahagi ng co-founder ng Hiyas Urban Mushroom Farm na si Ma. Regina Patungan kung paano makakatulong ang climate-resilient at climate-smart technologies gaya ng greenhouses at grow houses sa pagtugon sa epekto ng climate change.
Kabilang din sa mga ipinakita mula sa rehiyon ang inobatibong seafood products ng Tun-Amazing World Fish Processing mula Cavite, at ang partisipasyon ng Sorosoro Ibaba Development Cooperative (SIDC) at The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative sa Farm Forward Initiative Annual Conference.
Ang forum ay isa lamang sa mga aktibidad ng WOFEX para sa mga MSMes, kooperatiba, at mga lokal na prodyuser upang maipakilala ang kanilang mga produkto, mapalawak ang kanilang merkado at mahikayat ang aktibong pakikilahok ng mga kabataan sa pag-a-agribusiness.






All content is in the public domain unless otherwise stated.