YFC Information Campaign ng DA-4A, nilahukan ng 40 mag-aaral sa BSU Lobo
Apatnapung (40) mag-aaral mula sa Batangas State University (BSU) sa Lobo, Batangas ang lumahok sa oryentasyon o information campaign ukol sa Young Farmers Challenge (YFC) na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-29 ng Agosto, 2025.
Layon nitong hikayatin ang mga kabataan at bigyan sila ng inspirasyon na sumali sa YFC, isang kompetisyon na inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa mga kabataang nais pumasok sa sektor ng agrikultura kung saan dito ay maaari silang magkamit ng tulong-pinansyal bilang suporta sa kanilang agribusiness kapag sila ay nanalo.
Sa aktibidad ay isa-isang nagbigay ng ideya ang mga mag-aaral ng kani-kanilang naiisip naagribusiness na binigyan naman ng komento ng mga teknikal na kawani kung paano pa mas mapapaunlad ito.
Ani Jacquelyn Bisco mula sa bayan ng Taysan, nabuksan ang isipan nila sa mga oportunidad gaya ng YFC sa labas ng eskwelahan. Kahit na nag-aaral pa lamang sila sa ilalim ng kurso sa larangan ng agrikultura ay tinutulungan sila ng Kagawaran at edukasyonal na institusyon na mangarap pa ng mas malaki para sa industriya.
Samantala, aabangan ang ganito pang katulad na aktibidad sa iba pang parte ng rehiyon upang patuloy na makahikayat pa ng maraming kabataan na makiisa sa pagpapaunlad ng agrikultura sa bansa.
Inaasahan ang pagsusumite ng mga kabataan ng requirement para sa YFC hanggang ika-23 ng Setyembre. Kaya kung ikaw ay isa sa mga interasado ay maaaring magtungo sa link na ito https://www.facebook.com/share/p/178N7HYazQ/






All content is in the public domain unless otherwise stated.