Labing isang coffee dryer ang inihandog ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga samahan ng magkakape sa Cavite noong 22 Setyembre 2022.
Bahagi ito ng pagpapatuloy ng proyekto ng High Value Crops Development Program (HVCDP) na naglalayong tulungan ang mga magkakape sa rehabilitasyon at pagbawi sa sakunang idinulot ng pagsabog ng Bulkang Taal noong nakaraang taon.
Ang paggamit ng coffee dryer ay kabilang sa proseso na ginagawa matapos pitasin ang mga bunga ng kape kung saan ito ay kinakailangang mapatuyo upang masiguro ang mataas na kalidad ng produkto.
Ipinagkaloob ang nasabing interbensyon sa pitong samahan mula sa Magallanes, General Emilio Aguinaldo (Bailen), Amadeo, at Mendez-Nuñez, Cavite. Sila ay ang Tua Coffee Growers Association, Samahan ng Magsasaka ng Medina, General Aguinaldo Farmers Federation, Bailen Coffee Growers Association, Amadeo Coffee Growers, Minantok East Coffee Growers Association, at Mendez Coffee Growers Association.
Buo ang pasasalamat ng mga miyembro at inaasahan na patuloy ang pag-alalay sa kanila ng DA-4A upang tuluyang mapalakas ang kanilang produksyon at kita. #### (Danica Daluz RAED)