Tungo sa mas matatag at sustenableng pagnenegosyo, sumailalim ang 11 farmers associations and cooperatives (FCAs) sa pagsasanay sa paggawa Enterprise Operations Manual (EOM) na pinangunahan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Coordination Office Calabarzon (RPCO-4A). Ang mga samahang ito ay benepisyaryo ng proyektong pang-negosyo ng DA-PRDP.
Isinagawa ang nasabing pagsasanay upang magabayan ang mga FCAs sa pagbuo ng mga sistema, alituntunin, at mga pamantayan sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo. Makakatulong ito upang kanilang makamit ang kanilang mga itinakdang layunin sa kanilang proyektong pang-negosyo, maging tuloy-tuloy ang operasyon, mapanatili ang magandang kalidad ng produkto o serbisyo, at mas mapaunlad at mapalawak pa ang kanilang negosyo.
Ang mga lumahok na FCAs ay ang: Mangosteen Producers of Tayabas Association (MAPROTAS), Tayabas Federation of Rural Improvement Club (RIC), Gumaca Mango Growers’ Association, Cacao Growers Association of Lopez (CGAL), Samahang Magsasaka ng Barangay Nieva, Inc., Samahan ng Mangingisda ng Malapat, Lubayat, Pandan (SAMAMALUPA), Samahan ng Mangingisda at Magse-seaweeds ng Villa San Isidro, Palcon Dairy Multi-Purpose Cooperative, Quezon Federation and Union of Cooperatives (QFUC), San Francisco Banana Producers Association, at Juan Santiago Agriculture Cooperative (JSACOOP). Karamihan sa mga proyektong kanilang pinamamahalaan mula sa DA-PRDP ay nakatuon sa produksyon at pagproproseso ng mga produktong agrikultural na magpapataas ng halaga nito at kita ng mga samahan at magsasaka.
“Malaking tulong sa amin ang paggabay ng DA-PRDP lalo na at nagsisimula pa lamang kami sa aming proyekto. Bukod sa paggawa ng EOM, sisikapin naming magamit ang lahat ng aming mga natutunan sa DA-PRDP upang umunlad at magtuloy-tuloy ang aming negosyo sa kape,” ani Manolo Diaz, pangulo ng Juan Santiago Agriculture Cooperative. #