Nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program ng pagsasanay sa reporting system para sa isangdaan at labing-tatlong (113) agricultural extension workers (AEWs) mula Cavite, Laguna, at Quezon noong ika-21, 26, at 28 ng Oktubre.
Ayon kay Bb. Jhoanna Santiago ng DA-4A Rice Program, layunin nito na ma-review ang AEWs sa mga pamamaraan ng pagkuha ng mahahalagang datos tungkol sa palayan. Sa pamamagitan nito ay mas magiging mabilis at madali ang pagbibigay nila ng tulong at alalay sa mga magpapalay.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga paksa tungkol sa pagtatanim at pag-aani, pagkuha ng datos, at seed at damage assessment report na isinasagawa ng AEWs sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga magsasaka at pagbaba sa palayan.
“Kami po ay nagpapasalamat sa DA-CALABARZON dahil sa tuluy-tuloy na paggawa ng paraan para ma-equip kaming AEWs sa mga bagong pamamaraan ng pagsasaayos ng information ng farmers. Dati, ‘yong report isinusulat lang sa papel. Ngayon, pwede nang online,” ani G. Alexander D.L. Flores, AEW mula Siniloan.
Binigyan din sila ng introduksyon sa paggamit ng KoBo Toolbox, isang software na paglalagyan ng lahat ng makakalap na impormasyon sa palayan mula sa araw ng pagtatanim hanggang sa pag-aani. Sa pamamagitan nito, mas mabilis na makakapag-ulat ang AEWs sa DA-4A sa estado ng palayan na kanilang nasasakupan. At dahil makikita agad-agad online ang mga datos, madaling matutukoy ang mga magsasaka na nangangailangan ng interbensyon sakaling tamaan ng kalamidad.
“Nakikita ko na maganda ang maidudulot nitong KoBo sa aming trabaho. Mabilis na mapo-forward sa inyo [DA-4A] ang details. At higit itong mapapakinabangan ng farmers dahil kung mabilis ang bigay ng datos ay mabilis din ang bigay ng tulong,” ani Amelita D. Romanes, AEW mula Nagcarlan, Laguna.
Sunod na sasailalim sa katulad na training ang AEWs mula sa Rizal at Batangas sa ika-29 ng Oktubre at 16 at 19 ng Nobyembre. #### ( Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS/ 📸Jhoanna Santiago, Erickson Sagun, Errol John Cacho, DA-4A Rice Program)