Ang pagtatanim ng mga gulay ang nakitang paraan ni G. Raffy Aromin upang mas magkaroon siya ng oras at panahon para sa kaniyang pamilya dahil sa mahigit 40 oras sa isang linggo ang kaniyang iginugugol noon sa pagtatrabaho sa isang kumpanya.
Hindi tulad ng karamihan sa ating mga magsasaka, noon ay limitado ang kaalaman at karanasan ni Raffy sa pagtatanim. Ngunit, sa tulong at gabay ng kaniyang mga kaibigan ay unti-unti niyang natutunan na magtanim ng mga hindi pangkaraniwang gulay gaya ng kale, lettuce, salad at cherry tomato, sugar beet, kalabasang haba, Japanese cucumber at soybean, French bean, Chinese cabbage, wansoy, dill, thyme, sweet basil, at parsley – na patuloy namang nakakapagbigay sa kaniya ng mas mataas na kita.
Kasabay ng pagtataguyod niya ng taniman ang pagpapalawak niya ng kaalaman sa pamamagitan ng pakikilahok sa Farmers’ Field School, ilan pang mga pagsasanay, at konsultasyon kabilang ang mga inoorganisa ng High Value Crops Development Program ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON. Palagian din ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa Agribusiness and Marketing Assistance Division na naging daan upang mabenta ng kanilang samahan ang kanilang mga aning gulay sa mga isinasagawang KADIWA ni Ani at Kita ng Kagawaran.
Si G. Aromin ay isa lamang sa mga magsasaka rito sa CALABARZON na patuloy na nagpapamalas ng kasipagan at inspirasyon sa kanilang komunidad, at tumutulong na itaguyod ang agrikultura na isa sa mga pinakamahalagang sektor ng ating lipunan, lalo na sa panahong ito.
Patuloy nating ipakita ang ating mataas na paggalang at pagkilala sa ating mga mahal na magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong lokal, hindi pag-aaksaya ng pagkain, at pagpapasalamat! Samahan natin sila tungo sa kanilang masaganang ani at mataas na kita!