Labing tatlong cluster mula sa rehiyon ng CALABARZON ang nakadalo sa pinakaunang National Cluster Summit ng Department of Agriculture (DA) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program na may temang “Pagkaing Sapat Ahon Lahat!” sa Tagaytay City, Cavite sa tulong ng DA IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-11 hanggang ika-15 ng Disyembre, 2023.
Ang F2C2 ay naitatag sa ilalim ng DA Administrative Order no. 27 series of 2020 na may layong isulong ang pagtipon sa maliliit na mga magsasaka at mangingisda upang makamit ang economies of scale at mapataas ang ani at kita ng mga napagbuklod na magsasaka. Mula sa napagbuklod ng DA-4A F2C2 Program simula taong 2021 hanggang kasalukuyan, kabilang sa mga naging partisipante sa nasabing summit ay ang mga kinatawan ng cluster ng Masaganang Magsasaka ng TALAHIBAN Uno at Dos, Rosario Farmers Association, Asosasyon ng Magsasaka ng Gatid, General Trias Dairy Raisers Multi-Purpose Cooperative, Batangas City Corn Growers Association, MAGSAMAKAME Agriculture Cooperative, Magallanes Corn Growers Association, Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative, Sariaya Corn Farmers Association, Luntian Multi-Purpose Cooperative, Batangas City Mango Growers Association, Silang Cacao Growers Association, at Jala-jala Multi-Purpose Cooperative.
Ayon kay Joel Atendido na punong tagapamahala ng Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative, isang malaking oportunidad ang naibigay sa kanila ng DA-4A na makalahok sa summit lalo na at isa sila sa mga napiling magpresenta ng kanilang Business Model Canvas (BMC) kung saan mas naipakilala nila ang produktong gatas ng cluster at nakatanggap din ng magagandang komento o suhestiyon para sa pagpapaunlad.
Ang pagsasagawa ng BMC na ito ay parte ng pagsailalim sa pagsasanay ng mga cluster ukol sa pamamahala at pagpapalago ng kooperatiba sa tulong ng University of the Philippines – Los Baños (UPLB) Department of Agribusiness Management and Entrepreneurship Facilitators. Bukod dito, naging malaking bahagi rin ng summit ang pagtalakay sa serbisyo at potensyal sa pakikipagtulungan ng mga institusyong: Land Bank of the Philippines at CARD-Mutually Reinforcing Institutions (CARD-MRI) para sa pinansyal na aspeto, WalterMart Supermarket para sa koneksyon sa merkado, at Peace and Equity Foundation para sa pribadong sektor— upang maiugnay sila sa mga cluster.
Samantala, naisakatuparan ang aktibidad kaisa ang mga nanguna sa pagbubukas nito na sina OIC-Office of the Undersecretary for Operations: Engr. Roger Navarro bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Undersecretary for Policy, Planning, and Regulations: Mercedita Sombilla, Assistant Secretary for Operations: Arnel de Mesa, F2C2 Program Director Shandy Hubilla, at DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes. Kasama rin dito sina Cooperative Development Authority Assistant Secretary Virgilio Lazaga, Tagaytay City Mayor Abraham Tolentino, at iba pang mga pamunuan at kawani ng pamahalaan sa bawat rehiyon sa bansa. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)