Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program noong ika-2 ng Setyembre ng 130 katutubong manok sa sampung magbababoy ng San Pedro Transport Group, San Pedro Agri-Workers Network (SPAWN), at Urban Container Organic Gardening ng San Pedro, Laguna na nawalan ng kabuhayan dulot ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Engr. Enrique H. Layola, City Agriculturist ng San Pedro, bawat magbababoy ay nakatanggap ng sampung babae at tatlong lalaking katutubong manok na nagkakahalaga ng P3,960 na kanilang palalakihin at pararamihin upang ibenta ang karne at itlog ng mga ito upang magkaroon ng ibang pagkakakitaan habang hindi pa kaya ang makapag-alagang muli ng baboy.
“Kung titingnan, maliit na bagay lang ito sa DA-4A pero malaking tulong na ito sa kanila [mga magbababoy] na natigil na sa pag-aalaga ng baboy. Sana’y mapagyaman nila ito,” ani pa Engr. Layola.
“Nagpapasalamat kami sa DA-4A dahil sa mga manok na ibinigay nila. Malaking tulong po ito at pandagdag-kita namin na mga tumigil na muna sa pag-aalaga mula nang mamatayan kami ng mga baboy,” ani Jennifer O. Austria, miyembro ng SPAWN. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A, RAFIS)
[Mga Larawan mula kay Bb. Marjorie Lalap Sepina ng DA-4A Quezon Agricultural Research and Experiment Station Livestock Unit]