Labing-apat pang farmer’s cooperative and associations (FCAs) mula Cavite, Laguna, Rizal, at Quezon ang pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang National Livestock Program at Department of Agriculture Region IV – CALABARZON (DA-4A) bilang katibayan ng kanilang partisipasyon sa Community-based Swine Production through Clustering and Consolidation Project.
Ang nasabing proyekto ay naglalayong palakasin ang industriya ng pagbababuyan sa bansa sa pamamagitan ng pamamahagi sa mga magbababoy ng modernong imprastraktura, kagamitan, puhunan, at iba pang suporta mula sa pag-aalaga hanggang sa pagbebenta ng baboy. Aabot sa Php 5.5 milyon ang tulong na makukuha ng mga benepisyaryo nito.
Hinimok ni Regional Technical Director for Operations and Extension Abelardo R. Bragas ang mga FCA na maging maagap sa pag-aasikaso ng mga requirement at pakikipag-usap sa Kagawaran sa ikabibilis ng pagpapaabot ng tulong mula sa proyekto.
Samantala, galak at pasasalamat naman ang ibinigay ng mga benepisyaryong dumalo dahil sa pagkakataon na ibinigay sa kanila na makabangong muli matapos maapektuhan ng African Swine Fever (ASF).
Sa ngayon ay tina-target ng DA-4A na mapaabot pa ang proyekto sa 21 pang FCAs sa rehiyon. Maaaring sumali ang mga samahang accredited bilang Civil Society Organization (CSO).
Dumalo rin sa kaganapan ang mga opisyales ng DA-4A na sina Field Operations Division (FOD) Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, Agricultural Program Coordinating Officer ng Batangas at Assistant FOD Chief Fidel L. Libao, at Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay.
#### ( My Bejasa)