142 Farm-to-Market Road Projects ng DA Calabarzon, isasagawa sa taong 2025
Tinatayang 142 Farm-to-Market Road (FMR) Projects ang nakaplanong itatayo para sa taong 2025 base sa National Expenditure Program na ipinresenta ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Regional Agricultural Engineering Division (RAED) sa Year-End Assessment nito ukol sa implementasyon ng FMR Projects, na ginanap noong ika-7 ng Nobyembre sa Lipa, Batangas.
Ang FMR ay isang konkretong kalsada na nagkokonekta ng mga sakahan o pangisdaan sa merkado. Sa pamamagitan nito ay mas napapabilis at maayos ang pagdadala ng mga agrikultural na produkto sa mga mangangalakal at konsyumer.
Ang mga proyekto ay nakadepende sa lalabas na General Appropriations Act at mga umiiral na pamantayan ukol sa aprubadong pondo at tagal ng paggawa ng proyekto. Patuloy naman na nakaantabay ang Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang implementing agency ng mga FMR Projects sa pagtatapos ng mga natitirang proyekto sa rehiyon para sa kasalukuyang taon.
Ani Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo dapat masiguro na ang bawat proyekto ay aprubado bago ang implementasyon nito upang manatili ang kredibilidad ng bawat ahensya.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni RAED Chief Engr. Romelo Reyes at RAED Section Chiefs Engr. Joe Jana Baja, Engr. Mark Anthony Fordan, at Engr. Triniza Jardin-Millare; mga kawani mula sa DPWH District Engineering Offices ng CALABARZON; at mga kinatawan mula sa DPWH Regional Office.
####(Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)