Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program ng broiler production module sa 400 magsasaka sa lalawigan ng Batangas noong ika-25 ng Agosto.
Ang mga nakatanggap mula sa lungsod ng Lipa (San Benito at Pangao) at Tanauan, at mga munisipalidad ng Mataas na Kahoy, Talisay, Balete, at San Juan na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa sunud-sunod na pananalasa ng mga bagyong Ofel, Pepito, Quinta, Rolly, at Ulysses noong nakaraang taon.
Bawat magsasakang benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-iisang broiler production module na nagkakahalaga ng P12,719. Nakapaloob sa bawat module ang limampung (50) isang araw na gulang na sisiw na broiler na kanilang palalakihin sa loob ng 35 linggo at ibebenta para gawing karne, walong sachet ng Doxycycline Tiamulin, dalawang sako ng mga patuka (isang chick booster at isang chicken grower), at isang kulungan.
“Malaking tulong sa kabuhayan namin ‘yong mga sisiw. Ipinapangako namin sa DA na aalagaan ang mga ito. At kapag nagkaigi ay tuluy-tuloy na naming gagawing kabuhayan ang pag-aalaga ng broiler,” ani Micheal P. Benamir, magbababoy.
Ayon kay Dr. Jerome G. Cuasay, DA-4A Livestock Program Coordinator, gagawin din ang naturang pamamahagi sa mga munisipalidad ng Alitagtag, San Nicolas, Agoncillo, Lemery, Taal, at Bauan sa ika-26 ng Agosto.
Ang mga naipamahagi ay mula sa Quick Response Fund (QRF) ng DA-4A Livestock Program. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)
[Mga Larawan mula kay Bb. Dayann Alcala ng DA-4A Livestock Program]