15.33 km-kalsada sa Mulanay, sisimulan na
Mabibigyang daan na ang patuloy na pag-unlad ng ilang mga komunidad sa Mulanay, Quezon, sa pagsisimula ng konstruksyon ng kalsadang Bagupaye-San Pedro Farm-to-Market Road with Bridges hatid ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up at ng lokal na pamahalaan ng Mulanay. Dadaan ang kalsada sa mga barangay ng Bagupaye, Cambuga, Mabini, at San Pedro at inaasahan itong magbenepisyo sa 9,140 indibidwal.
Sa halagang Php 495,574,558.29, inaasahang makakatulong ang proyekto na pabilisin ang transportasyon mula sa komunidad hanggang sa kabayanan mula 2.8 oras hanggang 19 minuto. Tutulong din ito upang mabawasan ang mga danyos dala ng transportasyon mula 2.3% hanggang 1.2%. Samantala, mapapadali at mapapabilis na rin ng proyekto ang byahe ng mga mamamayan tungo sa mga kalapit na bayan ng San Francisco at San Narciso, Quezon. Inaasahang matatapos ang kalsada nang Hunyo 2027.
“Nakakatiyak kami na ang suportang ibinigay ng komunidad sa proyektong ito ay magbubunga nang malaki dahil sa mga kaakibat na benepisyo ng kalsadang ito sa mga magsasaka. Ngayong madali nang pasukin ng buyers ang komunidad at mas mabilis at maginhawa na ang transportasyon tungo sa mga pamilihan, mas mapapasigla ang produksyon ng pagkain. Kaya naman, patuloy na susuporta ang DA at ang pamahalaang bayan ng LGU sa ating mga magsasaka at mangingisda upang maipagpatuloy at mapalago ang kanilang kabuhayan,” ani DA Regional Field Office IV –
CALABARZON at PRDP Project Support Office South Luzon Director Fidel Libao sa groundbreaking ceremony ng proyekto na pinasinayaan rin ni Mulanay Mayor Aristotle Aguirre at Vice Mayor Jay Castilleja.
##PRDPCALABARZON