15 km-kalsadang DA-PRDP, itatayo sa Mulanay

 

Isang proyektong kalsada ang itatayo sa apat na barangay ng Mulanay, Quezon, matapos aprubahan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Advisory Board Calabarzon ang pondo para dito sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up. Tatakbo ito ng 15.33 kilometro at magkakahalaga ng Php 495,675,169.82.

Tutulong ang kalsada sa 9,140 katao at 2,299 kabahayan sa mga barangay ng Bagupaye, Cambuga, Mabini, at San Pedro. Pagdudugtungin nito ang dalawang magkalayong bahagi ng Mulanay-San Francisco national road upang mas mapabilis at mapadali ang byahe sa mga kalapit na bayan tulad ng San Francisco at San Narciso.

Batay sa pag-aaral, magiging 19 minuto na lamang ang byahe mula sa komunidad hanggang sa pamilihan sa tulong ng kalsada. Mababawasan rin ang lugi mula sa transportasyon mula 2.3% na magiging 1.2% na lamang. Sa kasalukuyan, hirap ang mga residente sa transportasyon lalo na tuwing tag-ulan. Hindi rin ligtas ang pagtawid sa mga tulay dahil gawa lamang ang mga ito sa kawayan.

Nagpasalamat si Mulanay Mayor Aristotle Aguirre sa RPAB at DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon para sa suporta at tulong na kanilang natanggap. Tungo sa tagumpay at pagtagal ng proyekto, ipinahayag niyang tututukan at makikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa DA at sa kanilang magiging contractor. Dagdag niya, sisikapin rin ng LGU na masulit ang mga oportunidad na dadalhin ng proyekto tulad sa produksyon, marketing, kabuhayan, atbp.

“Nagpapasalamat po kami sa LGU for taking the initiative to propose this subproject to further develop its local agriculture and fishery sector. Atin po itong pagtulung-tulungan upang marami pang farmers ang umunlad at ma-encourage pa na mag-produce ng pagkain ngayong may faster and easier access na sila sa merkado,” ani RPAB Chairperson at DA-4A Regional Executive Director Fidel Libao.#