Aabot sa 157 communal gardens at 19 hydroponics greenhouses na ang naipatayo at naitatag ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) katuwang ang mga lokal na pamahalaan at samahan ng mga magsasaka sa rehiyon.
Ito ay sa patuloy na pagpapalawig ng Urban and Peri-urban Agriculture Program (NUPAP) sa rehiyon na naglalayong palakasin ang seguridad ng pagkain maging sa mga urbanisadong lugar kung saan limitado ang espasyo sa pagtatanim.
Ang communal garden ay tanimang itinatayo sa mga komunidad na matatagpuan sa mga urban na lugar at madalas pinamamahalaan ng grupo ng mga volunteers o lokal na organisasyon katulad ng mga paaralan at religious groups.
Samantala, sa hydroponics greenhouse naman ay gumagamit ng kasanayan sa hydroponic production kung saan hindi kailangan ng lupa bilang taniman at ang pag-aalaga ng halaman ay nasa isang kontroladong kapaligiran o greenhouse. Ito ay may bentahe na maaaring makapagtanim sa buong taon ano man ang panahon.
Kaugnay nito, nagsagawa ang DA-4A ng pagpupulong kasama ang mga naturang katuwang sa pagpapalaganap ng programa upang mas palakasin pa ang koordinasyon at maipresenta ang epekto nito sa kanilang mga lugar.
Pagbabahagi ni Jeremy Perre ng Dagatan Family Farm School sa Lipa City, mula sa mga tulong na naibigay sa kanila ng NUPAP, isinagawa nila ang programang “Tanim mo, Ani mo.” Dito ay itinuturo ang pagtatanim sa mga estudyante at mga kabataan upang ipamulat ang urban at peri-urban agriculture sa kanila bilang tulong sa komunidad.
Kasunod ng talakayan ay binisita ng mga kalahok ang hydroponics production ng Bukid Amara at Tubulent Farm kung saan ipinaliwanag at ipinakita ang mga hakbang, pamamahala at benepisyo ng naturang teknolohiya sa pagtatanim. Nagkaloob ang programa ng mga interbensyong binhi at media para sa hydroponics para sa patuloy na pagpapapataas ng produksyon sa kani-kanilang mga bayan.
Ang mga lungsod at bayan na naging kasali sa programa ay ang Batangas City, Lipa, Santo Tomas at Tanauan City sa Batangas. Alfonso, Amadeo, Bacoor, Carmona, Cavite City, Bacoor City, General Trias City, Imus, Indang, Naic, Silang, Tagaytay, Tanza at Trece Martires City ng Cavite. Bay, Cabuyao City, Calamba City, Calauan, Pagsanjan, San Pablo, San Pedro at Sta. Rosa City ng Laguna. Lucena at Tayabas City ng Quezon at Antipolo City, Baras, Binangonan, Cainta at San Mateo ng Rizal.