16 samahan ng Maggugulay sa CALABARZON, tinipon ng DA-4A
Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ang labing anim na samahan ng mga maggugulay sa rehiyon sa ginanap na Vegetable Stakeholders’ Consultation Cum Planning Workshop noong ika-7 hanggang ika-8 ng Agosto sa Tagaytay City, Cavite.
Ito ay inisyatibo ng kagawaran upang patuloy na mapalakas ang industriya ng gulayan sa rehiyon sa pamamagitan pagbabahagi ng mga makabagong teknolohiya at estratehiya simula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani at pagbebenta, at matalakay ang mga isyu at pangangailangan ng bawat probinsya sa larangan ng paggugulayan.
Ibinahagi rin sa naturang pagpupulong ang kasalukuyang kalalagayan ng industriya ng gulay sa rehiyon; benepisyo ng isang akreditadong Civil Society Organization (CSO); pagseseguro ng mga pananim, alagang hayop at mga makinarya; programang pautang para sa mga Maggugulay; mga payong pansakahan ukol sa klima at panahon; mga alintuntunin para sa probisyon ng mga makinarya at pasilidad; at mga programa para sa mga Maggugulay sa susunod na taon.
Dinaluhan ito ng Samahan ng Industriya sa Paggugulayan (SIPAG)-Cavite; SIPAG-Laguna; SIPAG- Batangas; Magsama Kame Agricultura Cooperative; Palangue Agrarian Report Cooperative; Tres Cruses ARB Farmers Association Incorporated; AGAP Farmers Association of Pangil, Laguna; Liliw Upland Farmers Marketing Cooperative; Brgy. Abo Farmers Association; Batangas City Vegetable Growers Association; San Juan United Vegetable Growers Association; San Jose Farmers Association; Bonliw Farmers Association; Samahan ng Maggugulay ng Guinayangan; High Value Crops of Sariaya, Quezon; at Rizal Vegetable Industry Council.
Samantala, hinikayat ni DA-4A OIC-Regional Executive Director ang mga Maggugulay na patuloy na ipakita sa ibang rehiyon ang lakas ng CALABARZON sa paggugulayan. Aniya, ang CALABARZON ay isa sa may malalaking kontribusyon sa industriya ng gulay sa bansa kaya hinimok niya ang mga ito na patuloy na magtatanim sa kabila ng pabagu-bagong panahon.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni G. Victorino Magnaye, Presidente ng SIPAG Cavite. Ibinahagi niya sa kapwa Maggugulay na huwag sumuko sa pagtatanim. Aniya ang Kagawaran ng Agrikultura ay patuloy na sumusuporta sa mga gawain at pangangailangan nila.
#### (Bryan E.Katigbak, DA-4A RAFIS)