162 site na modelo ng teknolohiya laban sa banana bugtok disease, itinatag ng DA-4A

 

 

Nagtatag ng 162 site sa lalawigan ng Cavite at Batangas ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program bilang mga modelo para sa demonstrasyon ng teknolohiya laban sa Banana Bugtok Disease (BBD) noong buwan ng Marso.

Layon nitong turuan ang mga magsasaka ng saging ng pagsasagawa ng early bagging o ang maagang pagbabalot ng mga bungkos ng saging upang protektahan ito at maiwasan ang BBD. Dito ay aktwal na maipakikita sa mga magsasaka ang angkop na pag-aalaga sa mga puno at pagmomonitor nito.

Ang napiling 120 site sa Cavite at 42 sa Batangas ay pawang mga natukoy ng lokal na pamahalaan na pinaka-naapektuhan ng BBD at may mga tanim na saging na Saba na nasa maagang yugto pa lamang ng pamumulaklak.

Umabot sa 510 bagging pole at 18,370 na sako ang naipamahagi ng DA-4A kung saan kalakip nito ang itinakdang responsibilidad ng mga magsasaka sa maayos na implementasyon ng teknolohiya at regular na obserbasyon.

Ayon kay Regional Banana Focal Person Maria Ana Balmes, inaasahan nila ang aktibong pagrereport ng mga benepisyaryo sa lokal na pamahalaan kung ano man ang mga mamataang isyu nang sa gayon ay maiparating ito sa tanggapan ng Kagawaran at agarang masolusyunan. Sa ganitong paraan ay malilimitahan ang paglaganap ng BBD.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)