Labing walong presidente mula sa mga samahan ng maggugulay sa Tayabas City, Quezon ang sumailalim sa enterprise assessment na pinangasiwaan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, Technical Working Group (TWG) ng High Value Crops Development Program (HVCDP), at Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-30 hanggang ika-31 ng Agosto.

Layunin ng F2C2 na mapagbuklod-buklod ang mga grupo ng magsasaka na may magkakatulad na produkto at mapalakas ang kanilang kakayahan. Ang enterprise assessment ay bahagi ng hakbang sa pagpapatuloy ng implementasyon nito.

Sa aktibidad ay magkakatulong na kinausap ng mga kawani mula sa F2C2, HVCDP, at AMAD ang mga magsasaka patungkol sa kapasidad ng mga miyembro sa clusters, mga pamamaraan sa pagmamarket, at estado ng kanilang produksyon at kita.

Nagpaabot ng pasasalamat si Leilani Mabuting, charter president ng New Growth Farmers’ Agriculture Cooperative, sa aktibong pakikipag-ugnayan ng DA-4A upang tuluyang masuri at matugunan ang mga pangangailangan ng bawat samahan sa lahat ng aspeto sa pagsasaka.

Ang aktibidad ay dinaluhan din ng mga representante ng Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon, Local Government Units (LGU), at iba pang kawani ng DA-4A. #### (✍🏻Danica Daluz 📸 F2C2 Program)