Sa tulong ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON, dalawang agri-entrepreneur mula sa lalawigan ng Quezon ang nakasali sa International Food Exhibition (IFEX) Philippines na ginanap noong Mayo 24 – 26, 2019 sa World Trade Center sa Pasay City.
Ang IFEX ay isa sa mga pinakamalaki at pinakarespetadong export-oriented food show na nagtatanghal ng samu’t saring pinakamasasarap na pagkain na ipinagmamalaki ng Asya. Ito ay isang malaking pagsasama-sama ng iba’t ibang klase ng produkto, ideya, at lasa na patok ngayon sa mga ‘foodie’ at mga negosyante. Ang IFEX ay nagsisilbi ring isang one-stop business to business (B2B) flatform para sa mga negosyante at gustong mamuhunan.
Sa tulong ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON ay naibida at nakasali sa IFEX ang mg produktong lokal ng Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperative ng Dolores, Quezon at GreenLife Coconut Products Philippines, Inc. ng Tayabas City, Quezon.
Ilan sa mga produktong kanilang ipinakilala ang coconut sugar, culinary virgin coconut oil, MCT oil, spicy coconut vinegar, organic coconut sap aminos, organic coconut flour, turmeric brew, ginger brew, ginger brew (with turmeric/honey/oregano/Moringa), at instant salabat. • NRB, DA-RAFIS