Nakatanggap ng tig-isang hauling truck ang Tres Cruses Agrarian Reform Beneficiaries Farmers Association Inc. (TCARNFA) at High Value Crops Sariaya mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program noong 21 Setyembre 2022 sa Lipa City, Batangas. Kaugnay nito, sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes at pinuno ng mga nasabing samahan, isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) bilang tanda ng kasunduan at pagtanggap ng nasabing interbensyon. Ang hauling truck ay magagamit ng mga magsasakang-benepisyaryo upang direktang makapagbenta ng mga produkto sa mga institusyonal na mamimili kung saan hindi na nila kailangang dumaan sa mga traders. “Lubos pong nagpapasalamat ang aming samahan sa DA-4A dahil napakalaking tulong po ang mabigyan kami ng sasakyan upang patuloy na makapag-suplay ng produkto sa aming mga hospitality group sa Maynila,” ani Angelito Mendoza, pangulo ng High Value Crops Sariaya. Kabilang sa mga sumaksi sa aktibidad ay sina OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Marcos Aves, Sr., OIC-Field Operations Division Chief Engr. Redelliza Gruezo, at iba pang kawani ng DA-4A at miyembro ng mga samahan. #### ( Danica Daluz)