Dalawang samahan ng magpuprutas at maggugulay mula sa Cavite ang ini-ugnay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa tatlong institusyonal na mamimili sa isinagawang “Market Matching for Fruits and Vegetables” ng DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-16 ng Agosto sa Alfonso, Cavite.
Ayon kay AMAD Section Chief Emi Villanueva, sa pangangasiwa ng DA ng dayalogo sa pagitan ng mga buyer at magsasaka ng prutas at gulay, layunin nito na gabayan sila tungo sa maayos at patas na negosasyon.
Dinaluhan ito ng tatlong (3) buyer mula sa Dizon Farms, SariSuki Stores, Inc., at Macro Asia Sats Inflight Services Corporation, at anim (6) na samahan ng mga magsasaka ng prutas at gulay mula sa bayan ng Magallanes at Alfonso, Cavite.
“Isang malaking oportunidad ang pag-imbita sa‘min dito ng DA para makilala ang ating mga farmers at tingnan kung paano kami magtutulungan sa paglimita ng presyo ng bilihin. Bukod dito, gusto rin naming hikayatin ang mga consumer na ugaliing kumain ng masustansyang pagkain gaya ng pinoproduce ng ating mga magsasaka rito, ang prutas at gulay,” ani SariSuki Stores, Inc. CEO at Co-founder Brian Cu.
Nagpahatid ng pasasalamat ang treasurer at marketing officer ng Magallanes Samahang Magsasaka ng Kay-Apas at Medina Agriculture Cooperative (MAGSAMAKAKE) Baby Marges sa aktibidad. Aniya, malaking tulong sa kanilang mga produser ang aktibidad dahil nabibigyan sila ng pagkakataon na makakilala ng mga maaaring bumili ng kanilang produkto sa tamang presyo.
Ibinahagi ni Janice Bactin ng DA-4A High Value Crops Development Program (HVCDP) ang mga interbensyon at kasalukuyang sitwasyon ng prutas at gulay sa CALABARZON na sinundan naman ng pagtatalakay ng mga buyer sa kanilang mga requirement para sa mga magsasaka.
Kasama rin sa aktibidad sina Municipal Agriculture Officer ng Alfonso Joel Credo, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Laguna Felix Noceda, at iba pang kawani ng DA-4A. #### ( Danica Daluz)