Nagprisinta ang 20 grupo ng mga kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng Calabarzon ng kani-kanilang Agri-Business Model Canvas para sa Regional Level ng Young Farmers Challenge (YFC) ng Department of Agriculture (DA).
Ang YFC ay isang komeptisyon na inilunsad ng DA upang hikayatin ang mga kabataang pumasok o makilahok sa sektor ng agrikultura sa pagbibigay kapital at teknikal na suporta para sa kanilang napiling agribusiness.
“Nagpapasalamat kami sa inyong mga kabataan sa ambag nyo sa sektor ng agrikultura, nawa’y inyong tandaan na ang pagsasaka ay hindi mababang propesyon dahil kung walang magsasaka wala tayong makakain ngayon. Sana’y ibahagi nyo rin ang mga inobasyon na ito sa ibang magsasaka upang lalong umunlad ang pagsasaka dito sa rehiyon,” ani DA-4A OIC, Regional Executive Director Milo delos Reyes.
Para sa Regional Level ng YFC mamimili ang mga hurado ng pitong natatanging Business Model Canvas na makakapanalo ng karagdangang P150,000. Sila ay huhusgahan base sa kanilang paguugali bilang negosyante, lebel ng inobasyon ng business proposal, revenue stream ng business proposal at value addition. #### ( Ma. Betina Andrea P. Perez)