22 agribusiness, wagi sa YFC regional awarding ng DA-4A
Aabot sa 22 negosyong pang-agrikultura ng mga kabataan ang ginawaran ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na Young Farmers Challenge (YFC) 2024 Regional Awarding Ceremony noong ika-15 ng Mayo sa Tagaytay City, Cavite.
Ang YFC ay isang kompetisyon na inilunsad ng DA na may layong hikayatin ang mga kabataang pumasok sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang pinansyal at teknikal para sa kanilang agribusiness.
Tinatayang 18 YFC Start-Up ang nanalo sa provincial level na may tig-P80,000 halaga ng panimulang kapital kung saan lima rito ay nagwagi sa regional at nakatanggap pa ng karagdagang P150,000. Sila ay ang Banahaw Creations at COCOBUZZ: Integrated Coconut-Stingless Bees Enterprises mula sa Quezon, Deli Mush sa Rizal, Nothing But Ube ng Cavite, at ALLAYZARDINES sa Batangas.
Sinundan naman ito ng isang negosyo ng mga estudyanteng kabataan mula sa Laguna na kumuha ng kursong B.S. Enterprise sa larangan ng agrikultura na siyang nagtagumpay sa YFC Intercollegiate Competition at nag-uwi ng P250,000.
Para sa mga datihan nang nanalo sa YFC na nagnais pang palaguin ang kasalukuyang negosyo ay tatlong YFC Upscale naman ang nagkamit ng karangalan at tig-P300,000. Sila ay ang Hiyas Urban Mushroom Farm mula sa Rizal, Pilipinya Agercolo Trading Corporation sa Cavite, at Siyudad Agrikultura sa Laguna.
Sa pangangasiwa ng Agribusiness and Marketing Assistance DIvision (AMAD), kasabay din ng paggagawad ang pagsasagawa ng pinakaunang Regional YFC Summit na may layong paunlarin pa ang kaalaman ng mga awardees para sa pagpapaunlad ng negosyo.
Ayon kay Regina Patungan ng Hiyas Urban Mushroon Farm na nanguna sa kategorya ng Upscale, binago ng pagsali sa YFC ang kanilang buhay pagnenegosyo dahil mas nagkaroon sila ng pag-asa na ipangalandakan pa ang kanilang produkto at nagkaroon pa ng puhunan para ibili ng mga kailangan pa sa produksyon.