Namahagi ng 999 na makinarya na nagkakahalaga ng P377-M ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH) sa 230 kooperatiba at samahan ng mga magsasaka ng palay sa CALABARZON mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Ilan sa mga makinang pangsaka na ibinigay ng PHILMECH ay four wheel tractor, hand tractor, floating tiller, precision seeder, walk-behind transplanter, riding-type transplanter, reaper, combine harvester, at axial-flow thresher.
“Tinitiyak ng PHILMECH na de-kalidad ang mga makinaryang ibinigay. Dahil sa mga ito, magiging madali ang kanilang [mga magsasaka] operasyon,” pagtitiyak ni Niño O. Bengosa, PHILMECH Senior Specialist at Luzon Cluster Head.
“Ang aming samahan ay lubos na nagpapasalamat sa PHILMECH. Malaking tulong po sa amin ang mga makina para mapabilis ang aming mga ginagawa sa bukid. Mas nakatipid po kami sa labor cost. At ‘yong natipid namin ay ginagamit namin sa ibang gastusin ng samahan,” ani naman Leoncia B. Cortazano, kalihim ng Calumpang Irrigators-Farmers’ Association.
“Nagpapasalamat kami sa PHILMECH dahil hindi nila kami pinababayaan. Patuloy ang pagpapa-training nila sa pag-o-operate at pag-aalaga sa mga makinang pinagkaloob sa amin,” dagdag pa ni Euglena C. Tiu, pangulo ng Samahan ng Organikong Magsasaka ng Pila (SOMAPI).
Ang pondong ginamit sa pamamahagi ng mga makinang pangsaka ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Component.
Ang RCEF Mechanization Component ay isa sa mga programa sa ilalim ng RCEF na nakatuon sa pamamahagi ng mga makinarya sa pagpapalay upang mapababa ang production at labor cost at mapabilis ang produksyon ng palay.
Ang RCEF ay alinsunod sa Batas Republika Bilang 11203 o “Rice Tariffication Law.” Sa batas na ito, ang lahat ng mga bigas na nagmumula sa ibang bansa ay pinapatawan ng taripa. Sa taripa kinukuha ang pondong pambili ng mga interbensyon na ipinamimigay sa mga magpapalay gaya na lamang ng mga makinarya.
Katuwang ng PHILMECH ang DA-4A sa maayos na pagpapatupad ng RCEF Mechanization Component sa rehiyon. Ang DA-4A ang nagsisilbing tagapamagitan at ang nakikipag-ugnayan sa mga kooperatiba at asosasyon tuwing isinasagawa ang pamamahagi ng mga makinarya.
“Ang DA-4A ay kaagapay ng PHILMECH sa layuning pagaanin ang trabaho ng ating mga magsasaka. Makakaasa po kayo na magpapatuloy ang Kagawaran sa pagbibigay ng suporta sa mga proyekto at programang para sa ikauunlad ng agrikultura,” ayon kay DA-4A Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
Para sa mga magpapalay na nais humiling ng mga makinarya, kinakailangang sundin ang sumusunod: ang mga asosasyon at/o kooperatiba ay kinakailangang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA); sinagutang application form sa paghiling ng mga makinarya na makukuha sa Municipal Agriculture Office sa kanilang lugar; at may maipepresintang iba pang mga dokumentong sumusuporta sa kanilang request gaya ng letter of intent, board resolution, listahan ng mga miyembro ng samahan, at listahan ng mga makinaryang pagmamay-ari ng samahan.
Kinakailangang isumite ang mga nasabing dokumento sa office ng PHILMECH na nasa Diliman, Quezon City.
Dadaan sa ebalwasyon ang mga asosasyon at kooperatibang nais na magkaroon ng makinarya. Upang makapasa sa inisyal na ebalwasyon, ang samahan ay dapat na nagmamay-ari ng 50 ektaryang palayan na napapaligiran naman ng 150 ektaryang palayan, mayroong machinery shelf, at ang pagtitiiyak na ang lahat ng miyembro ay makakadalo sa mga pagsasanay na isasagawa ng PHILMECH kaugnay ng wastong paggamit at pangangalaga ng mga makinarya.
“Ang PHILMECH ay hindi lang basta namimigay, sinisiguro naming angkop ang makinarya sa mga magsasaka at sa area,” ani Engr. Glenn Joshua F. Furigay, PHILMECH Science Research Analyst at Provincial Focal Person ng Laguna. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)