« of 8 »

 

Nasa 23,907 nang maliliit na magpapalay ang nakatanggap ng tiglilimang libong piso (P5,000) tulong-pinansyal mula noong inimplimenta ang programang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) simula Oktubre ng nakaraang taon sa CALABARZON.
Ang RFFA, na parte ng Rice Competitiveness and Enhancement Fund (RCEF), ay nagmula sa taripang nakolekta mula sa implementasyon ng Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL).”
Sa pamamagitan ng RTL, ang DA ay may karagdagang interbensyon na pwedeng ipamahagi sa mga magsasaka ng palay gaya ng binhi, makinarya, at tulong-pinansyal gaya ng RFFA.
Nasa kabuoang 46,837 maliliit na magpapalay sa rehiyon na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may palayan na hindi lalagpas sa dalawang (2) ektarya ang sukat ang benepisaryo ng RFFA.
Sa isang pamamahagi, pinaalalahanan ni DA-4A Quezon Agricultural Programs Coordinating Officer Rolando P. Cuasay ang mga magsasaka na maging maalam at ugaliing makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan partikular sa Municipal Agriculturist Office para sa mga mahahalagang impormasyon upang hindi mahuli sa mga programang isinasagawa ng DA-4A para sa mga magsasaka at mangingisda.
“Nagpapasalamat po kami sa Department of Agriculture, sa pangunguna ni Secretary Dar. Iyong 5,000 ay magagamit po sa pagbili ng farm inputs na kailangang-kailangang namin lalo’t magsisimula na uli ang planting season. Sana’y magpatuloy ang mga ganitong proyekto dahil napakalaking tulong sa hanay ng mga magsasaka,” ani Gil B. Vertucio, miyembro ng Samahan ng Magpapalay ng Sariaya, Quezon.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa, magtutuloy-tuloy ang pamamahagi ng nasabing tulong-pinansyal hangga’t mayroong RTL. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)