24 FCAs sa CALABARZON, tampok sa Farmer’s and Fisherfolk’s Month Trade Fair sa Laguna
Tampok ang 24 samahan ng mga magsasaka at mangingisda mula sa rehiyon ng CALABARZON sa Farmer’s & Fisherfolk’s Month Celebration Trade Fair and Exhibit cum KADIWA na isinagawa noong ika-17 hanggang ika-18 ng Mayo sa Sta. Rosa, Laguna.
Ipinagmalaki sa naturang aktibidad ang mga de-kalidad at sariwang produktong lokal mula sa mga magsasaka at mangingisda na direktang naipagbili at nailapit sa merkado sa pamamagitan ng KADIWA. Layunin nito na gawing abot-kaya at madaling ma-access ang pagkain habang pinapalakas ang kita ng mga lokal na prodyuser.
Kabilang din sa mga isinagawang aktibidad ang oryentasyon ukol sa akreditasyon para sa mga nais maging KADIWA Program Consolidator at Supplier. Isa ring mahalagang bahagi ng programa ang presentasyon ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga lumahok sa pagnenegosyo at paggamit ng datos sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.
Pinangunahan ito ng #DACalabarzon Agribusiness and Marketing Assistance Division, at dinaluhan nina Farmer Regional Executive Director G. Gaudencio Genil; OIC-Regional Technical Director for Research, Regulations, and ILD Editha Salvosa; OIC-Regional Technical Director for Operations Engr. Redelliza Gruezo; at Field Operations Division OIC-ChiefFelix Joselito Noceda, kasama ang iba pang mga kawani ng ahensya.
Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na inisyatibo ng Kagawaran upang kilalanin at patatagin ang sektor ng agrikultura at pangisdaan ngayong Buwan ng Magsasaka at Mangingisda.