25 seed growers, coordinators, inspectors ng rehiyon tinipon ng DA-4A; 111,220 bags ng binhi ng palay, maipo-prodyus
Pinagsama-sama ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang 25 Seed Growers, Coordinators, at Inspectors ng rehiyon sa isinagawang Training cum Workshop on CALABARZON Rice Seed Industry noong ika-3 hanggang ika-4 ng Oktubre sa Sta. Rosa City, Laguna.
Layon nito na palakasin ang ugnayan ng mga kalahok at makamit ang kani-kaniyang komitment na binhing certified seeds para sa 2025 dry at wet season cropping.
Ayon kay DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations Engr. Redelliza Gruezo, mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng mga seed growers sapagka’t ang binhing naipo-prodyus ay ang pangunahing pangangailangan sa produksyon. Aniya, napapanahong pag-usapan ang mga suliranin at nang sa gayon ay mailatag ang mga tulong na maaring maipaabot ng ahensya.
Bahagi ng aktibidad ang presentasyon ng Seed Certification Process at Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at DA Civil Society Accreditation. Dito ay ibinahagi ni Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños Branch RCEF Coordinator Jacqueline Lee Canilao na nangangailangan ng 106, 593 at 92, 937 bags ng binhi ang rehiyon para sa nasabing mga panahon ng pagtatanim, ayon sa pagkakabanggit.
Ayon sa isinagawang pagtatakda ng mga dumalo, tinatayang 111,220 bags ng binhi ang naipangakong maipo-prodyus ng Agriculture Cooperative of Progressive Laguna, Samahan ng mga Magbibinhi sa Laguna, Inc., at Quezon Palay Inc. para sa sususnod na produksyon ng palay sa rehiyon.
Malaki ang pasasalamat ni G. Ronelo Garcia, seed grower mula sa San Juan, Batangas, sa suportang ipinagkakaloob ng DA sa kanilang sektor. Ibinahagi niya na sa kabila ng mga suliranin ay hindi kailanman siya titigil sa produksyon ng binhi na na kinakailangan sa industriya.
Inaasahan na patuloy na makikipag-ugnayan ang DA-4A Rice Program sa mga kalaok at katuwang na ahensya kagaya ng PhilRice at Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services Los Baños upang masiguro ang patuloy na produksyon ng palay sa rehiyon.