Intensibong obserbasyon mula pagtatanim hanggang pag-aani ang pinakamabisang paraan sa pagkakaroon ng mas maganda at maraming aning mais.
Ito ang resulta ng labing-anim na linggong pagsasanay ng 30 farmer-leaders mula Calamba City, Laguna sa Farmers’ Field School (FFS) on Integrated Crop Management for Corn ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Corn Program.
Ang seremonya ng pagtatapos ay naganap noong ika-17 ng Setyembre sa Baranggay Real kung saan doon rin ginanap ang pagsasanay.
Layunin ng FFS na matukoy kung anong uri ng mais ang angkop sa sakahan at makapagbibigay ng pinakamarami at pinakamagandang ani. Ito ay sa pamamagitan ng paghati sa mga magsasaka sa apat na grupo para magtanim ng magkakaibang uri ng mais.
“Mainam na malaman natin ang akmang pananim para continuous na makapag-supply ng mais ang Calamba sa kabila ng pagliit ng lupang mapagtatamnan,” ani Reynaldo M. Nova, chairman ng Calamba City Agricultural and Fishery Council.
Ayon sa datos na nakalap ng farmers-technicians mula sa mga itinanim ng bawat grupo, may iba’t ibang positibong katangian ang ipinakita ng mga uri ng mais. Ang traditional lagkitan na mais ang may pinakamainam na sukat ng dahon. Ang sweet fortune na uri naman ang may pinakamabigat at pinakamahabang mais. Habang ang sweet pearl ang nakapagbigay ng pinakamaraming ani.
Itinuro din sa FFS ang iba’t ibang paraan sa pagkontrol ng mga peste at paggamit ng mga pataba.
“Nagpapasalamat kami sa programang ito ng DA-4A. Kahit ang iba sa amin ay matagal nang nagtatanim ng mais, nadagdagan ang kaalaman lalo na sa makabagong pamamaraan ng pagtatanim at paggamit ng mga pestisidyo para lalo pang mapaunlad ang aming kabuhayan,” ani Macaria D.C. Sinong, magsasaka mula Baranggay Lawa.
Ang mga natutunan mula sa FFS ay ibabahagi ng mga nagsipagdalo sa iba pang magsasaka sa kani-kanilang mga baranggay.
“Hindi natatapos sa FFS ang pag-aaral. Sa tulong at gabay ninyong mga nakapagtapos sa kapwa magsasaka ay mapapaunlad natin ang ating maisan,” dagdag Dr. Eduardo R. Lalas ng DA-4A Corn Program. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)