(Isinulat at kuhang mga larawan ni Nataniel Bermudez)
Mahigit tatlong daang magsasaka ang dumalo sa Technical Briefing para sa Inbred – Hybrid Rice Model Farm & Rice Production at Exchange of High Quality of Inbred Rice Seeds (SeedEx) noong ika-15 hanggang 17 ng Mayo 2018 sa mga bayan ng Real, Panukulan at Burdeos sa lalawigan ng Quezon.
Ang briefing ay puspusang isinagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON, Bureau of Plant Industry – National Seed Quality Control (BPI-NSQC), at Tanggapan ng Panlalawigan at Pambayang Agrikultura ng Quezon upang maitaas ang produksyon ng palay pati na rin ng kita ng mga magsasaka.
Layunin din nito na maihatid ang programa ng maayos at maibigay sa takdang panahon ng pagtatanim ang mga ayudang tulong, ma-validate ang mga magsasakang kasapi, maipaunawang muli ang cultural practices ng pagpapalayan na kanilang natutunan sa Farmer’s Field School (FFS) at iba pang pagsasanay.
Dumalo rin dito ang mga magsasaka ng Gen. Nakar, Polillo at Patnanungan. Sila ay kasama sa nakatakdang tatanggap ng ayudang binhi (Inbred, Hybrid, Registered at Certified Seeds) at abono na gagamitin sa panahon ng tag-ulan na mag-uumpisa sa susunod na buwan.
Ang iba pang paksa na tinalakay ay tungkol sa pagpupuro ng binhi hanggang sa tamang pag-iimbak ng ani, ang rice crop manager (RCM), pagpupunla ng hybrid at pamamaraan ng pagtatanim. Nagkaroon din ng interview sa mga magsasaka para sa RCM recommendations.
Ayon sa grupo ng rice banner program na nagsagawa ng briefing, ang mga naunang nabigyan na ng ganitong seminar ay ang Tayabas at Pagbilao ng Quezon, at Naic at Gen. Trias ng Cavite.
Ang susunod na briefing ay isasagawa sa Mayo 29-30 sa mga distrito ng Rizal; Mayo 31 at Hunyo 1 sa mga distrito rin ng Batangas; sa Hunyo 8 ay isasagawa sa mga magkakasamang bayan ng Imus, Maragondon, Ternate at Tanza, Cavite: sa Hunyo 13 para sa bayan ng Tiaong, Candelaria at Sariaya; at para sa nalalabing bayan ng Quezon ay sa Hunyo 14 at 15 para sa karatig bayan ng Catanauan at Gumaca.