33 clusters ng mga magsasaka sa CALABARZON sumailalim sa Leadership and Organizational Management Skills Training ng DA-4A
Sa pangunguna ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program, sumailalim ang tatlumput-tatlong clusters ng mga magsasaka mula sa buong rehiyon ng CALABARZON sa isang Leadership and Organizational Management Skills Training noong ika-24 hanggang ika-25 ng Setyembre sa Tagaytay City, Cavite.
Ito ay upang matukoy ang kahalagahan ng pagbuo ng clusters na may tamang pamumuno at pamamahala; maipakita ang ibat-ibang istilo ng pamumuno at mga katangian ng isang mahusay na lider; maibahagi ang mga kaalaman ukol sa pagbuo ng isang rehistradong kooperatiba; maipaliwanag ang proseso at kapakinabangan sa pagiging isang akreditatong Civil Society Organization (CSO); maipaliwanag ang proseso at kahalagahan ng epektibong komunikasyon sa bawat miyembro at namumuno; at matutunan ang importansya at kahalagahan ng tamang pamamahala sa mga conflict o salungatan sa loob ng isang organisasyon.
Naimbitahan sa naturang pagpupulong ang Cooperative Development Authority (CDA) kung saan ipiniresenta ang mga batas at requirements sa pagbuo ng isang kooperatiba.
Samantala ipinaliwanag naman ni DA IV-A Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) Assisstant Division Chief Carmelita Ramos ang kahalagahan ng pagiging isang accredited CSO ganun din ang proseso sa pag-aaplay dito.
Ayon kay Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo napakaganda ng mga ganitong pagsasanay para sa mga namumuno upang mas mapalakas at mapaunlad ang kani- kanilang mga samahan. Binigyan diin niya ang kahalagahan ng isang akreditadong samahan. Aniya ang isang accredited CSO ay ang prayoridad o kapartner ng kagawaran sa mas malalaking proyektong pang-agrikultura.#### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)