40 magsasaging mula sa malayong bayan ng Rizal, tinungo ng DA-4A upang sanayin sa produksyon
Tinungo ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ang mahigit 40 magsasaging mula sa isa sa mga malalayong lugar sa probinsya ng Rizal, ang bayan ng Rodriguez, noong ika-11 ng Hunyo.
Ito ay upang sanayin sila ukol sa mga Package of Technology (POT) sa produksyon at pamamahala ng mga sakit ng saging. Tinutukan dito ang napapanahong paglaganap ng sakit na Bugtok na nabubuhay at dumadami sa lupa dala ng mga insekto sa bulaklak.
Ang bayan ng Rodriguez ay kabilang sa mga nangungunang bayan sa Rizal na may maraming prodyus ng saging kaya bagamat wala pa naman sa lugar ang Bugtok ay sinisiguro na rin ng Kagawaran ang paghahanda ng mga magsasaka laban dito.
Ayon kay Rodriguez Municipal Agriculturist Dr. Isagani Serrano, sa dami na ng pinagdaanan ng mga magsasaging sa Rodriguez simula pa noong panahon ng El Niño at bagyo, hindi nawala ang tulong ng gobyerno. Malaki ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan na gaano man kalayo, palaging handang pumunta at bumaba ang Kagawaran sa kanilang bayan para magturo at ibahagi ang mga kaalamang mas magpapaunlad pa sa kabuhayan ng mga magsasaka.