Aabot sa 42,492 magsasaka ang napagbuklod-buklod ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program simula noong taong 2021 haggang sa ika-unang semestre ngayong taon.
Ang F2C2 program ay nakatuon sa pagsasama-sama ng mga magsasaka at mangingisda na may magkakalapit at magkakatulad na aktibidad sa isinasagawang produksyon.
Tungkulin ng programa na pag-isahin ang direksyon sa pamamahagi ng mga interbensyon ng ahensya upang masuportahan ang mga pangangailangan ng grupo. Aalalay din ang tanggapan sa mga benepisyaryo sa pagbuo ng plano upang masigurong mas mapaunlad ang hanapbuhay ng mga magsasaka.
Ang nabuklod na mga magsasaka ay kabilang sa 124 clusters ng magpapalay, magmamais, organikong magsasaka, naghahayupan, at high-value crops farmers na may kabuuang 26,320.68 ektaryang sakahan.
Inaasahang sa pamamagitan ng mga clusters ay mas mapapalakas ang kapasidad ng mga benepisyaryo; mas mapapabuti ang kalidad ng produkto at ugnayan sa merkado; at mas magkakaroon ng lakas ang mga magsasaka sa pakikipagkalakaran.
Bahagi rin ng suporta ng F2C2 program ang maiugnay ang mga na-cluster na samahan sa mga katuwang na institusyon gaya na lamang ng Jollibee Group Foundation, International Fund for Agricultural Development, Agricultural Training Institute, Philippine Rice Research Institute, Agricultural Credit Policy Council, Cooperative Development Authority, at iba pang ahensya na kabilang sa nabuong PAFES/F2C2 Regional Technical Working Group ng programa.
Ilan sa benepisyo ng ugnayang ito ay ang pagbibigay ng gabay sa produksyon at pagsasanay kagaya ng Leadership and Organizational Management Training; Financial Management and Basic Accounting; at Business Plan Preparation at Entrepreneurial Mind-Setting.
Sa kasalukuyan, natapos nang mabuo ang 73 CDPs na naglalaman ng pagkakakilanlan, plano, at mga pangangailangan ng bawat cluster na magiging batayan ng DA sa pagkakaloob ng suporta.
Inaasahang bago matapos ang taon ay mabubuo pa ang karagdagang 54 CDP at maitatag ang tatlo pang cluster na kasalukuyang sumasailalim sa enterprise assessment at balidasyon.