430 magsasaka, naisailalim na ng DA-4A sa pagsasanay sa Good Agricultural Practices
Tinatayang 430 magsasaka ang sumailalim na sa pagsasanay ukol sa Good Agricultural Practices (GAP) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regulatory Division sa unang kwarter ng taong 2025.
Dito ay tinatalakay ang kahalagahan ng pagkuha ng sertipikasyong Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) na nagsusulong ng ligtas ng pagkain, proteksyon sa kalikasan, kapakanan ng mga magsasaka, pagpapanatili ng masusing agrikultural na sistema, at pagpapalakas ng akses sa merkado.
Alinsunod ito sa Republict Act (RA) 10611 o mas kilala rin bilang Food Safety Act noong 2013 na nagtatakdang palakasin ang seguridad ng pagkain at proteksyon sa mga konsyumer. Ang pagkuha ng PhilGAP certificate ay silbing patunay na ang sakahan ng mga magsasaka ay dumaan sa masusing ebalwasyon ng Kagawaran at ligtas na produkto ang naipoprodyus.
Kaya naman umabot na sa 17 na pagsasanay ang naisagawa ng Regulatory Division ukol sa GAP na kabilang sa mga inilahad sa kanilang mid-year assessment noong ika-7 ng Agosto.
Ayon kay Regulatory Division Chief Jerome Cuasay, sinisikap nila ang panghihikayat sa mga indibidwal o grupo ng mga magsasaka na nais mag-apply kung saan kinakailangan lamang mag- sumite ng mga dokumento. Aniya, handa naman ang mga kawani ng DA-4A na umalalay sa kanila mula sa pag-asikaso nito hanggang sa makakuha ng sertipiko.