Ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang mga pataba sa mga magsasaka sa probinsya ng Laguna noong ika-26 hanggang ika-29 ng Abril bilang tulong sa mga sakahang naapektuhan ng bagyong “Jolina.”
Nakatanggap ang mga magpapalay mula sa mga bayan ng Victoria, Majayjay, Nagcarlan, Pila, at Pagsanjan, at lungsod ng San Pablo ng kabuoang 1,419 na sako ng organikong abono at 398 pakete ng microbial fertilizer na makakatulong sa muling pagyabong ng kanilang mga sakahan.
Bawat magsasaka ay binigyan ng gabay sa mga maaari nilang gawin sa kanilang pagsasaka base sa mga kalagayan ng kani-kanilang sakahan.
Sa tulong ng Rice Crop Manager (RCM) Advisory Service, nabigyan ng mga naaayong rekomendasyon ang bawat magsasaka sa mga angkop na hakbangin nila sa pagtatanim.
“Napakalaking tulong sa tulad kong magsasaka na mabigyan ako ng aral katulad nito na aking maiaaplay sa aking pagtatrabaho sa bukid lalo na ngayon na mahal ang abono. Dahil sa ipinaliwanag sa akin ay makakatipid ako tapos maraming maaani. Napakaganda ng naging pagpapaliwanag sa akin,” ani G. Restituto Radim, magsasaka mula sa Victoria, Laguna.
Ayon pa kay G. Radim, malaking bagay na nabigyan sila ng abono sa panahong ito dahil makakabawas sa kanilang gastusin sa bukid at magagamit niya sa susunod na pagtatrabaho sa bukid.
Samantala, sinabi naman ni G. Rodolfo Urgel ng Majayjay, Laguna na, “Natugunan at naipaliwanag ang mga sagot sa mga katanungan ko patungkol sa pag-aalaga ng lupa at proper way sa paglalagay ng fertilizer. Lagi kaming nai-inform sa mga programa ng Department of Agriculture kaya napakalaking tulong nito sa amin.”
Kaagapay ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga pambayan at panlungsod na agrikultor, pinangunahan ng mga kawani ng DA-4A Rice Program at Agricultural Program Coordinating Office ng Laguna ang naganap na aktibidad.
#### (✍📸: Chieverly Caguitla)