Tinanggap ng Local Government Unit (LGU) ng Alfonso, Naic, Carmona, Dasmarinas, General Aguinaldo, General Trias, Imus, Kawit, Maragondon, at Mendez ng probinsya ng Cavite; at ng Unisan, Pitogo, General Luna, Macalelon, at Gumaca ng probinsya ng Quezon ang 25,750 isang araw na gulang na broiler mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program noong ika-15 ng Setyembre.
Ang mga sisiw ay ipapamahagi ng mga LGU sa 515 magsasaka mula sa mga nabanggit na munisipalidad na lubos na naapektuhan ang kabuhayan ng dahil sa pananalasa ng mga bagyong Ofel, Pepito, Quinta, Rolly, at Ulysses noong nakaraang taon. Kanila itong palalakihin at ibebenta ang karne upang mapagkunan ng dagdag na pagkakakitaan.
Bawat magsasaka ay makakatanggap din ng tigwawalong Doxycycline Tiamulin, dalawang sako ng mga patuka (isang chick booster at isang chicken grower), at isang kulungan.
“Maraming salamat po sa DA-4A. Malaking tulong po ang mga naibigay na broiler chick sa amin na mga magasaka na mahina ang kita dahil sa mga nagdaang kalamidad,” ani Rodolfo P. Tibayan, Vice Chairperson ng Bukal Pasong Malainin Irrigators’ Association.
Ang mga naipamahagi ay mula sa Quick Respond Fund (QRF) ng DA-4A Livestock Banner Program.