Pinalakas sa Values Formation, Leadership at Organizational Strengthening ang 52 katutubong magsasaka sa Catanauan, Quezon sa pangangasiwa ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) program noong Agosto 9-11, 2023.
Ang programang 4K ng Kagawaran ay layong magbigay ng suporta sa mga katutubong magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng apat na bahagi nito. Ang Social Preparation, Production and Livelihood Support, at Marketing and Enterprise Development.
Upang matiyak ang implementasyon ng programa, sa paunang bahagi nito ay nagsasagawa ng pagbisita at nagbibigay ng mga pagsasanay ang mga kawani ng DA-4A.
Ang mga katutubong magsasaka na kabilang sa Samahang may Pagkakaisa ng Katutubong Aeta-Indigenous Peoples Organization (IPO) ang mga nabigyan ng pagsasanay bilang paghahanda sa pamumuno at pamamahala ng samahan.
Nagpasalamat ang pangulo nito na si Gng. Angela Ducot sa ipinahatid na mga pagsasanay sa kanila na aniya ay magiging malaking tulong sa kanyang pamumuno at paggabay sa kanyang mga kasamahan.
Naging mga tagapagsalita sina Bb. Rochelle Ann De Ramos at Bb. Jacqueline Sunga kasama ang representante mula sa Quezon- National Commission on Indigenous Peoples na si Bb. Miralyn Torres ukol sa pagpapalakas at pagpapatatag ng kanilang organisasyon.