Aabot sa 554,119 puno ng kape ang muling napasigla at napamunga sa Cavite, Laguna, at Quezon sa tulong ng Coffee Rejuvenation Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) mula 2016-2022.
Ito ay base sa paglalahad ng mga pinuno ng samahan ng magkakape sa rehiyon sa gitna ng konsultasyon sa pagitan ng DA-4A at mga stakeholders ng industriya ng kape na naganap noong ika-3 ng Nobyembre, 2022.
Sa pamamagitan ng nasabing programa, nagsagawa/namahagi ang DA-4A ng mga interbensyon tulad ng demonstrasyon sa pagpu-pruning ng mga sanga, pagbibigay ng pataba at mga kagamitang pansaka gaya ng pruning saw, at iba pa.
Sa nasabing pulong ay prinesenta din ng mga magkakape ang resulta ng programa sa kani-kanilang lalawigan kalakip ang estado ng rehabilitasyon at kasalukuyang bilang ng mga bagong tanim na puno ng kape.
Ayon kay OIC-Regional Executive Director for Operations and Extension Engr. Marcos Aves, Sr., dahil ang kape ang isa sa mga pangunahing commodity sa Calabarzon ay patuloy ang suporta sa pagpapaunlad ng industriya nito hindi lamang ng kagawaran ng pagsasaka kundi ng iba pang katuwang na ahensya ng gobyerno.
Nagpahatid naman ng pasasalamat si Regional HVCDP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo sa walang sawang pakikilahok ng mga magkakape sa nasabing aktibidad at binigyang diin ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral ng mga pamamaraan upang tumaas ang kanilang kita at produksyon.
Tampok din sa aktibidad ang pagbabahagi ng karanasan ng mga magkakape, pagtalakay ng kahalagahan ng mataas na kalidad ng produkto, pagbuo ng pangrehiyong asosasyon ng mga magkakape, at pagtalakay sa mga isyu at problema sa industriya. #### ( Β Danica Daluz)