Pitong Business Model Canvases (BMC) ang nagwagi sa Young Farmers Challenge (YFC) Regional Level na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A). Sila ay mula sa 21 na nanalo sa probinsyal level ng naturang kompetisyon sa rehiyon.
Ang YFC ay naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na may natatanging BMC na isagawa ito sa pamamagitan ng premyong kanilang mapapalanunan. Bawat BMC ay sinuri base sa kakayahan ng indibidwal o grupo, lebel ng inobasyon, revenue stream ng panukalang negosyo, at value addition.
Ang programang ito ay naging posible dahil sa inisyatibo ni Sen. Imee R. Marcos na patuloy namang ipinatutupad ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pangunguna ni Presidente at Kalihim Ferdinand R. Marcos, Jr., at Senior Undersecretary for Operations Domingo F. Panganiban.
Ang mga nagwagi ay ang CasaGrasya Hydroponic Farm with Value Adding, DANAW: AgriFisheries Technology Enterprise, Siyudad Agrikultura, Hiyas Urban Mushroom Farm, Navaira’s Rice Production, Likas Bukid, at Sargassum Seaweed Processing.
Sila ay makakatanggap ng tig-P150,000.00 para sa kanilang mga proyekto. Dagdag pa ito sa kanilang natanggap na P100,000.00 para sa grupong nanalo o P50,000.00 para sa indibidwal na nanalo sa probinsyal level ng kompetisyon.
Nagpahatid ng pagbati si Assistant Secretary for Consumer and Political Affairs Kristine Evangelista sa mga nagsipagwaging kalahok sa isang video message. Aniya, siya ay umaasa na magpapatuloy ang mga kabataang kalahok sa kanilang napiling proyekto hanggang sa ito ay lumago at maging matagumpay.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni OIC- Regional Executive Director Milo Delos Reyes na maganda ang Young Farmers Challenge dahil hihikayat nito ang mga kabataan na sumali sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga negosyo na may kinalaman o makakatulong dito. #### (Ma. Betina Andrea P. Perez)