Isinulat at Mga larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Nasa 7,568 ektaryang palayan sa lalawigan ng Quezon ang natukoy na magiging bahagi ng proyektong Farmers’ Production and Exchange of High-Quality Inbred Rice Seeds (SEEDEX) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa pamamagitan ng Rice Program. Ito ay naganap sa isinagawang oryentasyon sa 74 na kinilalang farmer-seed producer (FSP) ng proyekto at mga teknisyan kamakailan lamang sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor na matatagpuan sa lungsod ng Lucena.
Sinabi ni Erickson M. Sagun, Agricultural Technical II ng Rice Program, na saklaw ng proyekto ang mga lalawigan tulad ng Quezon na hindi nakatuon sa produksyon ng hybrid rice; may magkakadikit o magkakalapit na palayan sa isang bayan (cluster) na ang nakatanim ay mababang kalidad ng binhi o gumagamit ng iba’t ibang barayti; at may mababang ani at kita.
Ipinaliwanag din niya ang mahahalagang gampanin ng mga FSP. Sila aniya ay dapat na dumaan sa pagsasanay ng pagpupuro ng binhi, magtatanim ng registered seeds pagkatapos dumaan sa pagsasanay sa produksyon ng inbred rice, kailangang umani nang 3,000 kilo ng mataas na uri ng binhi kada ektarya o 150 porsyento ng kabuuang pangangailangan sa mataas na uri ng binhi ng bawat cluster, makikipagpalitan ng binhi sa mga commercial rice grower, at iba pa.
Inaasahan na sa pagsapit ng ikalimang beses ng taniman gamit ang ipinagpalit na binhi, ang ani ng isang cluster ay mataas nang kalahating porsyento at ang halaga ng produksyon ay mababa nang 25 porsyento sa batayang linya.
Ang pagsasakatuparan ng naturang proyekto ay mula Marso 16, 2018 hanggang Marso 15, 2023 sa pamamagitan ng regional SEEDEX task force na kinabibilangan ng Kagawaran, Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS), Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, at mga panlalawigang agrikultor.