8.9-km kalsada sa Buenavista, popondohan na
Mas mapapagyaman pa ang nangungunang industriya ng niyog sa probinsya ng Quezon ngayong aprubado na ang pondo para sa isang 8.9 kilometrong kalsada sa Buenavista, Quezon sa ilalim ng Department of Agriculture β Philippine Rural Development Project Scale-Up. Tinatarget nitong magbenepisyo sa 1,264 magsasaka sa pamamagitan ng pagpapabilis at pagpapaginhawa ng transportasyon ng mga produkto at pagbibigay-daan sa kanila sa mas marami pang mga oportunidad.
Ang proyektong Concreting of Brgy. Lilukin-Villa Magsaysay Farm-to-Market Road ay naglalayong serbisyuhan ang mga barangay ng Lilukin, San Isidro Ibaba, San Isidro Ilaya, Villa Magsaysay, Del Rosario, at Catulin. Pagsasaka ang pangunahing kabuhayan sa mga barangay na ito at niyog ang nangunguna nilang produkto.
Bagamat malaki ang taniman ng niyog sa mga komunidad na ito, nahihirapan ang mga magsasakang kumita sa kanilang kabuhayan dahil nahihirapan silang ibyahe ang kanilang mga produkto lalo na tuwing tag-ulan. Kapag hindi makadaan ang mga sasakyan sa kanilang lugar, gumagamit sila ng paragos upang hakutin ang kanilang mga produkto o kaya naman ay iniimbak muna nila ang kanilang mga produkto sa kanilang mga bodega.
Sa tulong kalsada, inaasahang magiging 25 minuto na lamang ang byahe ng mga mamamayan kumpara noon na 45 minuto. Magkakaroon rin ng 30% kabawasan sa presyo ng pagpapahakot at 2% ring kabawasan sa sira sa mga produkto mula sa pagbyahe sa mga ito. Dahil maidudugtong na ang mga komunidad sa highway at poblacion, inaasahan rin ang pagdami ng mga papasok na oportunidad at trabaho para sa mga mamamayan. Inaasahan rin ang pagpasok ng mga proyekto para sa niyog tulad na lamang ng mga processing center na magpapataas pa sa halaga nito sa merkado.
βBinabati namin ang lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Buenavista, Quezon sa pagkakaroon nila ng panibagong oportunidad tungo sa pag-unlad lalo na ng mga lokal na magsasaka at ng industriya ng niyog. Inaasahan namin na malaki ang magiging kontribusyon ng proyektong ito sa inyong tagumpay. Ngayong mas marami na tayong maaabot na magsasaka at mangingisda sa tulong ng proyekto, sana ay maging simula rin ang proyektong ito sa mas maigting nating pagtutulungan tungo sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan dito sa rehiyon ng CALABARZON,β bahagi ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON Project Director at DA Regional Field Office CALABARZON Technical Director for Operations Engr. Redelliza Gruezo.