90 katao mula sa Cavite, sinanay ng DA-4A sa paglinang ng urban agriculture

Sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ang 90 magsasaka mula sa Cavite ukol sa Basic Cultural Management Practices in Vegetable Production noong ika-1 ng Agosto sa Amadeo, Cavite.


Ito ay upang mapaunlad ang kasanayan nila sa paglinang ng urban agriculture kung saan ibinahagi ang mga pamamaraan sa pagsasagawa ng container gardening at pamamahala ng peste o sakit ng mga tanim na gulay. Isa sa ibinahgi sa mga kalahok ang paggamit ng na recycled bote sa pagtatanim.


Sa tulong ng panlalawigan at pambayang lokal na pamahalaan ay naimbitahan ang mga mamamayan mula sa mga grupo ng volunteers, edukasyonal na institusyon, simbahan, at iba pang sektor na interesado sa agrikultura. Ang bawat isa sa kanila ay nag-uwi rin ng tig-iisang bag ng mga binhing gulay mula sa NUPAP gaya ng kangkong, kamatis, talong, okra, sitaw, at iba pa.


Ayon kay Sister Leah Surbito na siyang tagapamahala ng hardin sa Maddalena Starace School, malaking tulong ang pagsasanay upang mapaganda at maayos pa nila kasama ang mga estudyante ang gulayan na maaari rin nilang pagkunan ng makakain sa paaralan.


Pinangunahan ang aktibidad nina Field Operations Division OIC-Chief at Regional NUPAP Focal Person Felix Joselito Noceda, OIC-Provincial Agriculturist Rodel Vincent Dionisio Bae, Amadeo Municipal Mayor Redel John Dionisio, at iba pang bahagi ng kagawaran at lokal na pamahalaan.


#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)