“Napakalaking pasasalamat namin sa Regional Office [DA-4A] at sa MAO [Municipal Agriculture Office] ng Nasugbu dahil sa patuloy nilang pag-aabot sa amin na maliliit na magsasaka ng mga tulong gaya ng RFFA. Napakalaking tulong sa paghahanda namin sa susunod na planting season ‘yong halagang pinagkaloob nila.”
Ito ang pahayag ni Marilyn L. Ilao, isa sa 989 na magpapalay mula sa bayan ng Nasugbu sa probinsya ng Batangas na nakatanggap ng tig-lilimang libong piso (P5,000) noong ika-12 ng Enero mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa ilalim ng programang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).
Ang RFFA ay bahagi ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF) na alinsunod naman sa Republic Act No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL),” batas na nagpapataw ng taripa sa mga imported na bigas. Ang mga nakuhang taripa ay ilalagay sa pondong nakalaan sa mga ipinamamahaging tulong sa maliliit na magsasaka.
Sa RFFA, bawat maliliit na magpapalay na nagsasaka ng hindi hihigit sa dalawang ektarya ay makakatanggap ng P5,000.
Tuluy-tuloy ang pamamahagi ng nasabing tulong-pinansyal hangga’t patuloy ang implementasyon ng RTL.