Aabot sa 93,394 bags ng mga binhing palay ang ipagkakaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program sa mga magsasaka para sa panahon ng tag-ulan at tag-araw sa kasalukuyang taon.
Tinatayang 11,140 bags na tig-15kg ng hybrid na binhi ang inilaan at 82,254 bags na tig-40kg naman ang sa inbred. Dito ay isang ektarya ang sakop ng kada bag ng nasabing binhi.
Kabilang ito sa mga pangunahing suporta sa produksyon na inihahanda ng Rice Program upang tulungan ang mga magsasaka na makatipid sa gastos at mapataas ang ani. Sa rehiyon ay tatanggap ang probinsya ng Cavite ng 5,017 bags, ang Laguna ay 24,352 bags, ang Batangas ay 7,689 bags, ang Rizal ay 5,230 bags, at ang Quezon ay 51,106 bags.
Ayon kay Rice Program Focal Person Maricris Ite, patuloy ang pagpaplano ng Kagawaran ukol sa pamamahagi ng mga interbensyon hindi lamang ng binhi kundi pati mga pataba, makinarya, pagsasanay, at iba pa. Alinsunod ito sa pagtatakda ni Undersecretary for Rice Industry Development Christopher V. Morales na magsagawa ng action plan na nakabase sa MASAGANA Rice Industry Development Program (MRIDP) lalo na sa parating na panahon ng tag-ulan.
Kaugnay nito, kamakailan lamang ay pinulong ng Kagawaran ang mga kawani mula sa mga kabalikat na ahensya at Office of the Provincial Agriculturists (OPA) para ilahad ang nasabing plano at programa ng Rice Program kung saan nakapagsaad din ang mga representante ng kani-kanilang isyu at rekomendasyon para sa ikauunlad pa ng pagpapalay sa rehiyon. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)