Pitong taong gulang pa lamang si G. Eduardo “Mang Ed” Paras ay namulat na siya sa pagtatanim. Dahil sa kaniyang araw-araw na karanasan sa bukid, lumalim ang kaniyang interes at pagmamahal sa pagtatanim na bumuhay naman sa kanilang pamilya at nakatulong upang sila ay makapagtapos ng pag-aaral.

Sa halip na magtrabaho sa anumang kumpanya noong siya ay makapagtapos sa kursong Business Administration, pinili ni G. Paras na bumalik sa kanilang lugar at sinimulan niya ang pag-aalaga ng kape; kalauna’y naging top producer siya nito sa kanilang bayan.

Tinahak man din ni Mang Ed ang pagseserbisyo sa Philippine Port Authority at Philippine Constabulary, hindi maalis sa kaniya ang kagustuhang makapagbigay ng kaalaman tungkol sa pagsasaka. Kaya naman nang siya ay madestino sa Quezon, ipinakilala niya sa mga taong kaniyang nakakasalamuha ang potensyal ng pagtatanim ng kape at ng pakwan noong nagawi siya sa Palawan.

Nang siya ay magretiro, itinayo nila ng kaniyang asawa ang Paras Integrated Farm kung saan patuloy niyang ipinapakita ang kaniyang dedikasyon sa pagtatanim na itinuturing naman niyang sandata upang patuloy na mapaunlad ang sarili at madagdagan ang kaniyang kaalaman.

Si G. Paras ay isa lamang sa mga magsasaka rito sa CALABARZON na patuloy na nagpapamalas ng kasipagan at inspirasyon sa kanilang komunidad, at tumutulong na itaguyod ang agrikultura na isa sa mga pinakamahalagang sektor ng ating lipunan, lalo na sa panahong ito.

Ang Mayo ay buwan ng ating mahal na mga magsasaka at mangingisda, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 33. Ipakita natin ang ating mataas na paggalang at pagkilala sa kanila sa pamamagitan ng pagtangkilik ng mga produktong lokal, hindi pag-aaksaya ng pagkain, at pagpapasalamat!

Samahan natin ang ating mga magsasaka at mangingisda tungo sa kanilang mataas na ani at kita!

#calabarzonagri
#farmersourheroes
#fisherfolkourheroes
#farmersfisherfolkmonth2020