Ani Engr. Gruezo, nagsagawa ng clustering ang DA-4A HVCDP ng mga large scale production area ng mga gulay at ng mga pagsasanay tungkol sa Good Agricultural Practices (GAP) para sa anim na raang (600) maggugulay sa CALABARZON.
Patuloy din ang pamamahagi ng DA-4A ng flower inducers, soil ameliorants, bagging materials, at mga pestisidyo sa mga nagtatanim ng mangga.
Pinagtuunan din ng pansin ng Kagawaran ang pagdaraos ng mga pagsasanay tungkol sa rehabilitasyon ng kakaw at kape, kasabay ang pamamahagi ng mga de-kalidad na buto at makinang pansaka, at paglalagay ng mga solar power irrigation system sa mga taniman.
Samantala, bumaba ang sufficiency level ng lahat ng HVC dahil sa mga kalamidad gaya ng pananalanta ng mga bagyo, pag-aalburoto ng bulkang Taal, at ang limitadong paglabas ng mga tao dala ng pag-iingat sa COVID-19.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang DA-4A, katuwang ang mga agrikultor, sa mga magsasaka para lubos na matiyak ang kanilang mga pangangailangan nang mapaunlad ang kanilang pagsasaka.
Dagdag pa ni Engr. Gruezo, maaari ring sumulat ang mga magsasaka sa tanggapan ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan para sa kanilang pangangailangan, kalakip ang project proposal ng kanilang asosasyon o kooperatiba, pagtukoy ng angkop na serbisyo, balidasyon ng ipinasang proposal, at endorsement mula sa kanilang panlungsod o pambayang agrikultor. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)